Alamat ng Pinya:
Sa isang malayong nayon nakatira ang mag-inang si Aling Osang at si Pina na kaisa-isang anak. Palibhasa bugtong na anak, hindi ito pinagagawa ng ina at sa halip siya ang nagtatrabaho ng lahat ng gawaing bahay. Ang katuwiran ng ina ay "maliit pa naman si Pina." Marahil ay paglumaki na ay gagawa rin siya. Ang tanging gawain lang ni Pina ay maglaro at matulog.
Nais na sana ng ina na turuan ang anak na gumawa, ngunit naging ugali na ni Pina ang katamaran. Kaya sa malimit na pangyayari, hindi na mautusan ng ina ang anak, palibhasa’y ina kaya matiisin. Kung ayaw magtrabaho ng anak, siya na ang gumagawa.
Hanggang isang araw si Aling Osang ay nagkasakit at halos nakahiga na lamang. "Naku! ang nanay ko! Inay bakit ka nagkasakit?" ang tanong ni Pina. "Ewan ko nga ba," ang wika ng ina, sabay utos na ipaglugaw sya nito. Sinunod naman nito ang utos ng ina at sa ilang saglit ay inihain na ito ni Pina, ito ay mapait sapagkat ito’y sunog. Ganun pa man ay natuwa na rin ang ina dahil kahit papaano siya’y napagsilbihan ng anak.
Tumagal ang sakit ni Aling Osang ngunit nagrereklamo na si Pina na pagod na sya sa paglilingkod sa ina.
Isang umaga, si Pina’y nagluto ngunit hindi makita ang sandok. "Saan kaya naroroon ang sandok?" ang sambit nito.
"Hanapin mo, naririyan lamang yan," ang sagot ng ina.
"Kanina pa nga ako hanap ng hanap eh! Talagang wala!" ang muling sabi ng anak.
"Bakit ba hindi ka na lang magkaroon ng maraming mata ng makita mo ang hinahanap mo! Ito talagang anak ko, walang katiyaga-tiyaga," ang sabi ng ina.
"Marami naman kayong sinasabi" ang wika ng anak sabay panaog. Marahil ay hahanapin niya ang sandok sa silong at baka nahulog.
Lumipas ang mga oras ngunit hindi na nakabalik si Pina sa itaas. Nawala siya na parang bula na naglaho at walang nakakita sa kanya kahit kapitbahay. Ilang araw ang nakaraan sa tulong at awa ay gumaling na si Aling Osang. Hinanap ng ina ang anak ngunit talagang hindi na nakita.
Isang araw, sa may bakuran ay mataman na nagwalis si Aling Osang. Laking gulat niya ng makita nito ang tumubong halaman sa malapit sa kanilang tarangkahan. Dinilig niya ito at inalagaan araw-araw. Di nagtagal at nagkaroon ng bunga. Napansin niya ito at tila maraming mata. Tuloy naalala nito ang sinabi niya sa kanyang anak. At bigla na lang nawala ang kanyang mahal na anak ng mga sandaling iyon.
No comments:
Post a Comment